Gasta

Sa araw araw na pamumuhay ng mga tao sa isang lipunan, dadating at dadating sa panahon na ang kanilang kailangan ay mabibili na nila, at ang mga produktong nilalabas sa merkado ay magiging makaluma at laos na. Ngunit naiwasan itong mangyari ng mga kapitalista.

Marahil dahil na rin sa kagustuhan ng mga kapitalista na panatilihin ang kanilang yaman, panatilihin ang kanilang pwesto sa lipunan bilang isa sa mga burgis, nakaisip sila ng paraan kung paano babaguhin ang kanilang pamamaraan sa pagkalap ng yaman. Kung dati ay ang mga ito ay nakatuon lamang ang atensyon sa produksyon ng kanilang produkto , kung gaano karami at kung magkano ang kikitain. Sa madaling salita, tanging sa produksyon lamang ang kanilang pinapakailaman, ngunit sa pagdating ng modernong panahon, nagkaroon sila ng pagiisip na kontrolin din ang isip ng mga mamimili, at kung paano nila ito mapapanatiling bumibili ng kanilang produkto.

Ang mga tao sa ngayon ay madaling nahihikayat ng mga panibagong produkto na inilalabas sa merkado, siguro dahil nga para makasabay sa “uso”. Nagkaroon din ng mga pamantayan ang mga tao na may mga bagay na pang mayaman lamang at meron din mga pang mahihirap . Halimbawa neto ay ang mga iPhone at iba pang apple products.  Sinasabi na isang uri ng kominikasyon ay mga bagay na iyong nabibili. Na kung ano ang iyong nabibili,gano ito kamahal at gano ito kamura ay magdidikta ng iyong lugar sa lipunan. Yan na rin marahil ang dahilan kung bakit marami sa mga tao ay nakapokus sa pagkonsumo, at nagkakaroon ng sobrang pagkonsumo. Ang cellphone , kahit ano pang brand yan ay maaari mong gamitin para makipagkomunika sa ibang tao, tumingin ng oras, at maglaro rito. Ngunit sa itinakdang pamantayan ng lipunan, marami sa mga tao ang naging hangarin sa buhay ay ang makabili ng mamahaling uri ng cellphone dahil ito ang magrerepresenta sa kanila , sa ganitong paraan nakakalimutan nila ang kanilang pagiging mahirap. Ang malala pa nito ay napapasailalim sila sa kagustuhan ng mga kapitalista, na imbis magtrabaho lamang para matustusan ang kanilang pangangailangan, ay nagtatrabaho para matustusan ang kanilang kagustuhan. Nagiging takaw tingin ang mga tao sa mga panibagong produktong inilalabas.

Para sa akin, masakit isipin na naging matagumpay ang mga kapitalista sa kanilang pagbibigay ng komportableng pang aapi sa mga tao , at ang hindi nahahalatang pagnanakaw nila dito. Nakakalungkot na maging ako ay naging biktima nito,nabulag din ako ng pamantayan na itinakda ng lipunan sa mga kagamitan at produktong inilalabas sa merkado. Na sa kagustuhan kong iahon ang sarili ko sa kahirapan ay dumepende ako sa pagbili at paghangad ng mga bagay na mayayamang tao lamang ang may kakayahang magtamasa nito . Lingid sa aking kaalaman ang mga tunay na nangyayari sa likuran ng magaganda at mga panibagong produkto na nilalabas katulad ng kagustuhan ng mga kapitalista na panatilihing mahirap at bobo ang mga tao.

Pagbabago

Ano ang bumubo sa isang lipunan, at ano ang bagay na nagbubuklod dito? Ano ang sanhi ng pagbabago ng lipunan ?

Ang pag-aaral ni Durkheim tungkol sa lipunan ay nakatuon sa kabuuan nito sa halip na pang indibidwal na pagpapaliwanag. Nabanggit din sa pag-aaral nya ang “social facts”, ito ay ang mga kultura, mga pamantayan, mga paniniwala at iba pa. Naapektuhan ng mga “social facts” ang isat-isa maging ang mga tao. Kahit na ang mga “social facts” ay nanggaling sa mga isip ng tao, hindi ito masasabing pang indibidwal dahil ito ay produkto ng paniniwala ng marami. Halimbawa, hindi mo malalaman na ang bente pesos ay halagang bente kung hindi ito binigyang halaga ng lipunan, ang social fact dito ay ang pagiging halagang bente ng isang papel.
Solidarity ang tawag sa pagkakaisa ng isang lipunan,ito ay may dalawang uri, ang mechanical solidarity at ang organic solidarity. Ang mechanical solidarity ay makikita sa mga tribo na may malilitt na populasyon, napapanatili nito ang pagkakabuklod buklod dahil sa “collective consiousness”, ang “collective consiousness” ay ang sama samang paniniwala ng mga taong kasapi sa isang lipunan. Makikita ito sa mga lipunang makaluma o “primitive”. Ang isang lipunang may mechanical solidarity ay ganito ang itsura, ang mga taong naninirahan dito ay magkakaparehas ng ginagawa, pinaniniwalaan, pagpapahala, at sa huli ay mga nararanasan. Maaari din namang magkaroon ng maliliit na pagkakaiba gaya ng ginagawa ng mga lalaki sa babae, o pagkakaroon ng pinuno. Pero ang pinakapunto dito ay ang mga tao sa mechanical solidaritiy ay pinagbuklod buklod ng kanilang pagkakaparehas. Isang halimbawa siguro dito ay ang mga tribo sa mga kabundukan. Ang pinagkaiba naman ng mechanical solidarity sa organic solidarity ay , sa isang lipunang organiko, marami ang pagkakaiba ng mga tao . Gaya na lamang ng mga trabaho at paniniwala, ang tinatawag din na “collective consiousness” ay naging mahina dahil ang mga tao ay may iba`t ibang pag iisip na , mga karanasan , at pagpapahalaga sa buhay , ito rin ay naging limitado na lamang sa maliliit na grupo na patuloy na nagkakaroon ng pareparehas, nagbigay din daan din ito sa pagkakaroon ng ibat ibang paniniwala at pag usbong ng mga panibagong pamantayan. Kung sa mechanical solidariry, ang nagbubuklod sa mga tao ay ang tinatawag na “collective consiousness”. Sa organic solidarity naman , ayon kay Durkheim ay ang kanilang “interdependence”. Ang mga taong may organic solidarity ay umaasa sa ibang tao upang magpatuloy. Maihahalintulad ang katawan ng tao dito, ang katawan ng tao ay mayroong ibat ibang organs, ang mga organs na ito ay kailangang patuloy na gumana upang tao ay patuloy na mabuhay. Makikita ito sa ating lipunan ngayon, ang mga tao ay bumibili ng kanilang mga pangangailangan sa mga nagtitindi ng pagkain , sapatos, damit o bahay, o mga nagbibigay ng serbisyo gaya ng pang gagamot at iba pa. Ang mga taong ito naman ay umaasa sa mga mamimili upang ang kanilang negosyo ay magpatuloy. Sa madaling salita, ang lipunan ay tumatakbo dahil sa pagkakakabit ng mga magkakaibang tao sa isat isa.

Ang sanhi naman ng pagbabago ng mula mechanical patungo sa isang organic ay ang tinatawag na dynamic density. Ito ang dami ng mga tao sa isang lipunan at antas ng koneksyon ng mga tao. Makikita ito sa globalisasyon, ang mga imposmasyon , produkto at kayamanan ay umiikot sa mundo ng mas mabilis kaysa dati. Masasabi rin ang dynamic density ay patuloy na tumataas. Ayon kay Durkheim, ang patuloy na pagtaas ng “dynamic density” ang naging dahilan ng pagtaas ng kompetisyon sa mga tao, na nagiging dahilan sa paghahanap ng mas mabilis at mas madaling paraan sa pag gawa ng mga bagay bagay. Kaya nagkaroon ng pagkakahati hati ng mga trabaho, na makikita sa isang lipunan na may organic solidarity.

Sa pagbabago ng lipunan mula sa isang mechanical patungo sa isang organic. Nagkaroon ng iilang problema gaya na lamang ng kakulangan sa pamantayan, hindi alam ng mga tao kung ano ang ituturing na tama o mali dahil humina na ang ”collective consciousness” na nagdidikta sa mga ito, naging malaking tulong ang muling pagpasok church at pagpapakalat ng mga paniniwala nila, na muling sinandalan ng mga taong nahihirapan na sa paghusga sa mga bagay bagay

Neo Marxism

Sa pagbabago ng panahon, maaaring ang mga lumang karunungan kagaya ng marxism ay eksakto ang pagpapaliwanag sa kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan , sa madaling salita, maaaring ang karunungang ito ay napagiwanan na at nagkaroon na ng kakulangan, upang mapunan ito, maraming modernong tao at mag-aaral ng sosyolohiya ang nag-aral patungkol dito. Tinatawag silang mga neo-marxist, sila ang mga taong sumubok ipaliwanag at punan ang kakulangan ng marxism.

Sa paraan ng sosyolohiya, ang neo-marxism ay idinagdag mas malawak na pagpapaliwanag na galing kay Weber sa hindi pagkakapantay pantay sa isang lipunan, gaya ng iyong posisyon dito at ang iyong kapangyarihan dito, sa mga teyorya ni marx. Maraming mga kaisipan ang maipapaliwanag ng neo-marxism, isa na rito ang pagpapaliwanag kung bakit hindi nangyayari ang rebolusyon sa panahon ng mga modernong kapitalistang lipunan, at ang napipintong panibagong paghahati ng lipunan na dahilan ng pag usbong ng mga “middle class”. Nais ipaliwanag ng neo-marxism kung bakit hindi nangyari ang pagrerebolusyon ng mga manggagawa o “working class”, na dapat ay mangyayari ayon kay Marx. Sinasabi na ang media at mga propaganda ay may malaking papel na ginampanan upang maiwasan ng mga kapitalista ang paghihimagsik ng mga manggagawa. Sinasabi na ang kultura ay naging panibagong industriya, na naging dahilan kung bakit ang mga bagay kagaya ng musika at sining ay naging mga kalakal na maaaring ibenta at mabili, kagaya na lamang ng ibang bagay na nagagawa sa pabrika. Sinasabi rin na ito ang naging dahilan upang maiwasan na ang mga tao ay magkaroon ng pagiisip sa rebolusyon, binababa nito ang kanilang pagiisip at imahinasyon, at mag isip ng mga bagay patungkol sa mga problemang kinakaharap ng lipunan, sa madaling salita, ginamit ito upang mabaling ang tingin ng mga tao  at impluwensyahan ang ating pag iisip , sa pamamagitan ng pangaaliw at pangbabaliw sa kanila. Halimbawa nito ay mga napapanood at naririnig natin sa telebisyon, madalas kong naririnig dati ang mga salitang “ang buhay ay weather weather lang”, ngayon ay natutunan ko na hindi ito totoo at pawang pang lalansing lamang. Ang sanhi ng kahirapan ng maraming tao sa lipunan ay ang pagnanakaw at pang aapi ng mga kapitalista, na kahit anong sipag at tyaga mo sa trabaho ay walang magbabago dahil ikaw ay nasa ilalim na ng sistema. Ang pagtangkilik sa “culture industry” na ibinibigay sa atin ng “mass media” ay nagiging sanhi upang mapigilan ang mga tao na maging matalino at magkaroon ng kakayahan  upang magisip para sa sarili nila, sa makatuwid ginagawa lamang nito na bobo ang mga tao. Kaya hindi nagigising ang mga tao at nagkakaroon ng rebolusyon ay dahil sa masyado tayong naaaliw sa mababaw na kaligayahan na ibinibigay sa atin ng ating mga napapanood at pinapakinggan. Noong panahon ni Marx , kung kailan ang industrialisasyon ay nagsisimula pa lamang, ang lahat ng taong may kakayahan na gumawa ng mga produkto at may ari ng kayamanan ay inihahanay lamang sa mga “bourgeoisie” , at ang mga mang gagawa naman ay nakahanay sa “proletariat” . Ngunit sa modernong panahon na ang pagmamayari at pagpapatakbo sa mga negosyo ay medyo naging hiwalay. Halimbawa nito ay ang mga kumpanya,  ang pagmamayari ng kumpanya ay kadalasan napapasailalim sa maraming mga “share holders”, at ang pagpapatakbo naman dito ay nakasalalay sa mga taong nasa “chain of commands”, sa madaling salita , hindi eksaktong ang mga nagmamayari ang nagpapatakbo ng mga negosyo , at hindi rin eksaktong ang nagpapatakbo ng negosyo ay ang may ari nito. Kung ang magiging basehan ay ang tradisyunal na maxismo, ang mga taong nagpapatakbo ng negosyo ay mapapasama sa “working class”. Ang problema ay hindi mo maihahalintulad ang isang CEO ng kumpanya sa isang empleyado lamang nito. Dito nagsimula ang pagusbong ng middle class. Ang pagkakaiba ng “bourgeoisie” , ”middle class”, at ”proletariat” ay ,ang mga “bourgeoisie”  ay may kontrol sa kanilang kayamanan, lupain at mga pabrika, at sa kanilang mga manggagawa. Samantalang ang mga ”proletariat” ay walang kontrol sa kahit ano man sa nabanggit. Ang mga nasa ”middle class” naman ay mayroong impluwensya sa iilang aspeto ng produksyon lamang. Ang mga katulad ng mga “managers” ay may kaparehas parin sa mga ”proletariat” , sila ay nagtatrabaho parin para sa mga “bourgeoisie” ngunit sila naman ay may mas angat na kakayahan upang kontrolin ang kanilang trabaho kung ikukumpara sa karamihan ng mga manggagawa, mas malaki rin ang ibinabayad sa kanila, at nasa posisyon din sila upang pamunuan at kontrolin ang trabaho ng mga manggagawang nasa ilalim nila.

Sa makatuwid, ang neo-marxism ang naging daan upang punan ang pagkukulang na mayroon ang tradisyunal na marxism, at isa rin ito sa mga nagbibigay paliwanag kung bakit sa panahon ngayon, na mas marami ang bilang ng mga mang gagawang naaapi, wala pa ring nangyayaring rebolusyon, na ayon kay marx ay dapat mangyayari sa hinaharap.

Rasyonalisasyon

Ano ang pinagkaiba ng tradisyunal at moderno ? Ano ang naging sanhi ng pagbabago ? Paano nga ba napalitan ang pamumuhay ng mga tao mula sa pagiging tradisyunal patungo sa pagiging moderno ?

Ayon sa aking natutunan, sinabi ni Max Weber na ang pinakamalaking pinagkaiba ng tradisyunal na lipunan at modernong lipunan ay ang paraan ng mga tao mag-isip, hindi ekonomika, teknolohiya at politikal. Sa tradisyunal na lipunan , naniniwala ang mga tao na mayroon “basic order” at ang mga bagay-bagay ay dapat manatili sa kung ano mang anyo ang meron sila. Ito ay makikita sa panahon ng  monarkiya, kung saan malakas ang paniniwala ng mga tao sa kung ano ang idinidikta ng mga may kapangyarihan, gaya ng mga hari at reyna, maging ang simbahan, at walang sinuman ang maaaring kumwesyon sa mga ito, dahil ito nga ay utos ng Diyos sabi nila. Pagdating naman sa modernong panahon , ang mga tao ay natutong maging “rational”. Nagkaroon ng panibagong pamamaraan sa pamumuhay o paggawa, isang halimbawa na dito ay ang pag gawa ng isang mangkok, kung sa tradisyunal na panahon ay ang bawat manggagawa ay may kanya kanyang pamamaraan upang gumawa ng mangkok, sa modernong panahon ito ay nagbago. Mapapansin na kung ikaw ay gagawa ng dalawang mangkok , makikitang mayroong pagkakaibang mangyayari sa dalawang produkto kahit gano man ito kaliit, ngunit sa modernong panahon , naging kalkulado ang mga galaw at nagkaroon ng iisa o “standard” na pamamaraan na susundin, makikita ito sa mga pabrika kung saan ang paggawa ay napapasa ilalim na ng mga makinarya. Alam mong ang mangkok ay magiging mangkok mula sa mga materlyales na hilaw ay dahil sa paraan na ginagamit sa paggawa nito. At ang mga tao sa modernong panahon ay patuloy na nagiisip ng mga paraan upang mas mapaganda, mapabilis, at mapadali ang pag gawa. Ang lahat ng pagbabagong ito ay hindi mangyayari kung walang dahila, ano nga ba ang naging sanhi ng pagbabagong ito? Ayon kay Weber, ang sanhi ng pagbabagong ito ay ang relihiyon, nakasulat sa kanyang librong “The protestant ethic and the spirit of capitalism”, na nagsimula ang pagbabago mula sa “Protestant reformation”, isang relihiyon na taliwas sa paniniwala ng simbahang katoliko. Iniwanan ng mga tao ang paniniwala na ang lahat ng mga bagay bagay ay kung ano ang anyo nila dahil ito ay ginusto ng diyos, halimbawa ang pagsasaka, ang pagsasaka ay ginagawa sa mga bukid dahil ito ay ginusto ng diyos. Ngunit sa “protestant reformation” umusbong ang calvinismo, na naniniwalang ang lahat ay nakatadhana na, kung ikaw ba ay maliligtas o kung ikaw ba ay mapupunta sa ibaba, pinaniwalaan nilang ang senyales na ikaw ay maliligtas ay ang pagkakaroon mo ng marangyang buhay. Sa palagay ko ito rin ang naging dahilan kung bakit dumami ang mga kapitalista. Ang pagtatrabaho ay nagkaroon na ng panibagong dahilan, hindi ka na lamang nagtatrabaho upang makamit ang mga kailangan mo sa buhay, ngunit naging paraan na ito para magkaroon ng mas maraming kayamanan, dahil pinaniniwalaan nga na ang pagkakaroon ng mas maraming yaman ang senyales na ikaw ay kasama sa mga maliligtas.  Binago nito ang tradisyunal na pagiisip papunta sa isang lipunang may indibidwalisitiko at kapitalistang lipunan, na ang hangarin ay ang pagpapayaman. Kasabay din nito ang pag usbong ng byurokrasya, kung saan mayroong sinusunod na alituntunan ang lahat, rasyonal ang mga kilos at pawang impersonal. Kung dati ang nagbibigay ng utos ay ang hari , na walang karapatang kwestyunin ng kung sino man, sa pagusbong ng byurokrasya, nagkaroon ng “chain of command” at ang mga taong nasa taas ang ay mga taong may napatunayan. Ang takbo ng pamumuno ay kadalasang nahahati sa dalawa, legal-rational kung saan ito ay pinaniniwalaan dahil ang mga tao ay may tiwala sa sistema, isang halimbawa nito ang simbahang katoliko, ang pope ay may malakas na kapangyarihan dahil ganun na talaga dati pa, ang isa naman ay ang charismatic legitimacy, kung saan ang isang tao ay sinusunod dahil mayroong nakita ang kanyang mga taga sunod na isang katangiang hindi ordinaryo at makapagbibigay ng malaking epekto sa kanila, isang halimbawa nito ay si Adolf Hitler.

Sa makatuwid, malaki ang idinulot na pagbabago ng pagiging rasyonal ng mga tao mag isip sa pagbabago ng ating lipunan, nagbukas ito ng pinto patungo sa mas maraming paraan ng pamumuhay, mga panibagong pamamaraan, at ang pagsilang ng byurokrasya.

Kapitalismo

Kapitalismo- ang kapitalismo ang isang sistemang pang ekonomika na tumatakbo sa isang lipunan kung saan ang malaking porsyento ng kayamanan ay pagmamayari ng iilan. Isang uri ng lipunan na patuloy na nagpapayaman sa mga taong may kakahayang gumawa ng mga pangangailangan ng tao, at patuloy na nagpapahirap at nang aapi sa mga mang gagawa.

Ngunit paano nga ba umusbong ang kapitalismo ? Sa aking pagkakaintindi , ang kapitalismo ay matagal nang buhay, simula pa noong unang panahon, panahon pa ng mga hari at reyna at ang kanilang matinding paniniwala sa mga bagay na hindi maipaliwanag ng sensya. Ngunit ang kapitalismo ay naging malakas na pwersa simula noong matapos ang French Revolution, kung saan sila ay nagaklas laban sa kanilang hari upang mapatalsik ito sa kapangyarihan. Matapos ang pagbagsak ng sistemang monarkiya, umusbong ang mga pagawaan o pabrika, kung saan ang mga magsasaka ay napilitang magpalit ng trabaho at iwanan ang kanilang nakasanayan, dahil din dito naging pare parehas ang kanilang mga ginagawa.

Ang kapitalismo ay nagbibigay ng pag angat sa ekonomiya, ngunit ito ay humaharap sa mga problema gaya ng “alienation”, kung saan , dahil sa pagkakaroon ng mga “specialized” na trabaho, nahihirapan nang matukoy ang pagkakakilanlan ng manggagawa sa produktong kanyang ginawa, at nagkakalayo na rin ang kanyang ginagawa sa kanyang gustong gawin. Nagbibigay din ito ng hindi magandang pangyayari sa mga manggagawa dahil sa pagiging “specialized” nga ng mga trabaho, ang mga trabahong kanilang ginagampanan ay madaling mawawala sa kanila. Nangyari na ito ngayon kung saan ang mga trabahong dati ay tao ang gumagawa, napalitan na ng mga makinarya upang maging mas madali , mabilis , at tipid para sa mga kapitalista. Ang kapitalismo nga rin ang nagpapahirap sa mga taong mahirap na , sa pamamagitan ng pagbibigay ng maliit na sweldo. Ang mga manggagawa ay hindi binabayaran ng naaayon sa kanilang ginagawang produkto, ginagawa nila ito upang ang kinikita ng kanilang negosyo ay maging malaki , at magkaroon nga sila ng mas malaking tubo. Ang malupit na parte dito ay sinasabi ng mga kapitalista na ang ginagawa nilang pagbibigay ng maliit na sweldo ay nararapat sapagkat ang mga mang gagawa sa isang “specialized” na trabaho ay madaling hanapan ng kapalit. Pero ito ay isang malaking kasinungalingan, ito ay pagnanakaw sa talento ng mga manggagawa at kanilang lakas pag gawa. Ang kapitalismo rin ay nagdudulot ng malaking kasayangan , dahil ang kapitalismo ay nakapokus sa patuloy na pag gawa , hindi ito tumitingin sa kung ano lamang ang sapat na pangangailangan.

Matapos malaman ang lahat ng ito, may mga tanong parin akong nais mahanapan ng sagot. Ang kapitalismo ba ay masosolusyunan talaga ng rebolusyon? At anong uri ng rebolusyon ang mangyayari? Dahil sa panahon ngayon na sibilisado na ang mga tao at meron ng mga batas na sinusunod, maganda bang desisyon ang pagrerebolusyon kagaya ng ginawa ng mga pranses noong sila ay nakaranas ng pang aapi mula sa kanilang hari noong panahon nila? O mayroon pang mas magandang paraan, yun ang nais kong malaman ?

Ang estado at ang nasasakupan nito

Si Michel Foucoult, isang sosyolohista at pilosopo, ang naka isip ng konsepto na governmentality, na nabanggit sa kanyang nilabas na mga libro ng “security,territory, population” na inilabas noong 1977-1978.

Tinalakay nya dito ang mga paraan kung paano minamandohan ng estado ang mga mamamayan nito. Sa madaling sabi , ang “governmentality” raw ay ang relasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng estado at ng mga mamamayan nito. Ang pagmamando ng estado raw ay mayroong tatlong uri, ito ang mga sumusunod: “sovereign power” , “disciplinary power”, at ang “governmentality” . Ang “sovereign power” ay tumutukoy sa kapangyarihan ng isang estado na pamahalaan ang sarili nito, makikita ito sa mga monarkiya na ang sinusunod ay hari. Ang “disciplinary power” naman makikita sa mga institusyon gaya ng paaralan o mga kulungan. Ang mga ito ay may mga panuntunan na sinusunod. Bagamat ang mga institusyong ito ay may kapangyarihan na pamahalaan ang mga taong nasa ilalim o nasa loob nito. Madalas ay kontrolado pa rin ito ng estado, kagaya ng gobyerno. Halimbawa na lamang ay ang PUP , bagaman may sariling mga alituntunin ito na nakasaad sa isang handbook upang sundin ng mga estudyante dito , ito pa rin ay nasasailalim sa gobyerno.  Ang “governmentality” naman ay , ayon sa aking pagkakaintindi, ang kalidad na mayroon ang isang tao upang pamahalaan ang kanyang sarili. Ito ay maliwanag sa ating panahon ngayon , ang mga tao ay may kanya kanyang kalayaan para kumilos ng naaayon sa kanilang kagustuhan. Ngunit ang mga taong ito ay may sinusunod paring mga alituntunin na nagiging dahilan para maiwasan ang gulo. Alam nating lahat ang tama at mali dahil mayroon nagtakda dito, nanjan ang mga batas maging ang mga nagpapatupad nito. Alam din natin ang mga kaparusahan na maaaring ipataw sa atin sa oras na itot ating suwayin. Sa makabagong panahon, ang kontrol sa atin ng estado ay mas naging mas malala, mas nayarakan ang mga karapatan natin maging ating pag-iisip. Kung babalik tayo sa makalumang panahon, ang nagiging sanhi ng mga himagsikan ay ang pagkakaroon ng marahas na pamamahala at pang aapi sa mga mamamayan. Sa kasalukuyan, ang mga ito ay binura, masasabing naging tagumpay ang pag "brainwash" sa atin ng mga nasa itaas. Ang hatol na kamatayan ay kanilang tinanggal at pinalitan na lamang ng pagkakakulong. Bakit? Dahil naisip nila na ang pagpaparusa at pagpatay sa mga taong nagkakasala ay maaaring maging sanhi ng paghihimagsik ng mga tao, kaya​sila ay nagtakda ng mga batas at mga parusa para sa mga pagsuway rito. Dahil nga sa alam natin na kapag gagawa tayo ng kasalanan, ay may hatol itong kalakip, naging maayos at ayon sa itinakdang modelo ng kung anong tama ng estado ang ating mga kinikilos. Ito ang naging dahilan kung bakit kahit na tayo ay mayroong sariling kalayaan, naiiwasan parin ang pagkakagulo gulo dahil may nakatatak na sa isip ng mga tao ang kalalabasan ng kanilang mga gagawin. Nakadagdag pa sa kontrol ng estado ang pagtatatak nila ng takot sa isipan ng mga tao.

Sa makatuwid , upang manatili sa kapangyarihan , ang mga taong nasa itaas o nakapuwesto sa estado ay nakaisip ng makabaong paraan upang kontrolin ang mga mamamayan. Mga paraang hindi mahahalata dahil sa kaluwagan nito .

Mcdonaldization

Ang Mcdonaldization ay tumutukoy sa pagkupkop ng mga tao sa lipunan ng sistemang tumatakbo sa isang fast food chain. Ito ay nakapokus sa apat na bahagi, na sinasabing pinaka rasyonal na paraan sa pagpapatakbo ng isang negosyo sa isang kapitalistang lipunan. Ito ang “efficiency”, “predictability”,”calculability”, at “control”. Pinapalitan nito ang mga tradisyunal na paraan, na naging sanhi upang ito maging rasyonal. Ano ang “efficiency”? Ito ay tumutukoy sa pagiging mahusay ng sistemang tumatakbo sa isang fast food chain, mapapansin nating lahat na kapag ikaw ay umorder pagkaing iyong gusto sa cashier, ang iyong order ay dadating agad sa loob ng ilang minuto , at kung ito man ay hindi maihahain kaagad agad ay nagtatanong muna ang mga cashier kung “willing to wait” ba , base ito sa aking sariling karanasan.  Mahusay ito sa pagkat mas kaunti ang gugugulin mong ng paghihintay sa iyong pagkain kaysa sa kung ikaw mismo ang magluluto . Naging “predictable” naman ito dahil pamilyar ka na at inaasahan mong kaparehas ang iyong makukuha, halimbawa, nakasubok ka ng kumain sa isang branch ng mcdonalds sa inyong lugar, alam mo na ang lasa ng isang produkto , at kapag ikaw naman ay lumipat sa ibang branch ng mcdo, mapapansin mong walang pinagkaiba ang lasa ng iisang uri ng pagkain. Nagiging madaling hulaan ang lasa ng isang pagkain kapag itoy nasubukan mo na sa ibang lugar.  Makikita naman ang “calculability” neto sa pagiging proporsyonal ng ibibigay sayo ng isang fast food chain kaugnay ng iyong ibabayad, aminin man natin o hindi, bumibili tayo sa mga fast food chain dahil alam nating mabilis at hindi ka na lugi sa pagkaing ibibigay sayo. Siguro dati , ngayon kase ang taas na ng tax sa mga bilihin at masasabi kong lugi yung 60 pesos ko sa isang order ng chicken fillet sa mcdo dahil napakaliit neto.  Sumunod ay ang “control”, ang kontrol ay nangyayari sa pamamagitan ng mga makinarya imbis na mga tao. Oo , may mga taong nagpapatakbo ng mga makinaryang ito ngunit ang mga makinaryang ito ang sumisigurado na ang bawat pagkain ay pareparehas ang pagkakaluto at ang dami. Halimbawa nito ay yung makina para sa mga french fries na kusang aangat kapag ang fries ay okay na. Ang pag laganap din mga kasanayang ito ang nagdulot upang mapalitan ang mga taong trabahador ng mga makinaryang ginawa upang gampanan ang kanilang mga trabaho. Nagdulot din ito ng “alienation” sa mga trabahador , dahil ang kanilang ginagawa ay malayo sa kanilang kagustuhan at pinipigilan nito ang pagunlad nila bilang isang manggagawa. Ito ay dahil , ay pagpapatakbo sa isang fast food ay mayroong sinusunod na script at mga pamantayan upang maging maayos ang takbo nito. Halimbawa na lamang nito ay yung hindi pangangailangan ng mahuhusay na manggagawa upang patakbuhin ang isang makinarya , nagkakaroon din ng hadlang sa komunikasyon ang mga nagtatrabaho dahil mayroon silang sari sariling nakatalagang trabaho at destino. Nakapokus din ang sistemang ito sa lakas ng produksyon, sa madaling salita ay “quantity” sa halip na “quality”

Paano nga ba nakukupkop ng mga tao sa lipunan ang sistemang ito ? Isa sa mga halimbawa ay makikita sa ating mga paaralan. Ang mga estudyante ay nakapokus sa pagkakaroon ng mataas na grado sa halip na sa paraan nila ng pagkatuto. Ang mga guro naman ay nakikitaan ng pagiging “predictable” dahil sila ay inaasahan na magtuturo at magtuturo sa kaparehas na paraan na ginagawa nila dati. Kinokontrol naman ng mga paaralan ang pagkatuto ng kanilang mga estudyante sa pamamagitan ng “standardized” na mga pagsusulit na nakabase sa kung anong itinuro ng guro. Pansin na kawawa dito ang mga taong hindi magaling sa klase ngunit magaling naman sa ibang bagay.

Ang mcdonaldization ng lipunan ay nagdudulot sa mga tao upang maging mas malapit sa kilos ng mga robot na nakaprograma kung upang gawin ang mga gawaing inaasahan ng makikita mula rito . Nakakalungkot dahil ang mcdonaldization ay patuloy na kinakain ang mga mamamayan .

The Promise

The Promise

Isang akda na naglalaman ng pagpapaliwanag sa kaibahan ng issue at trouble, private space ng isang indibidwal , at kaugnayan nito sa lipunang kanyang ginagalawan. Mga bagay na magbibigay sa tao ng pagiisip na makakatulong sa kanya sa pamumuhay sa kasalukuyang sistema na tumatakbo sa ating lipunan.

Matatawag ang isang problema na “trouble” kapag ito ay iisang tao lamang ang nagtataglay o iilang bilang lamang ng mga tao. Matatawag naman itong “issue” kung ang problema ay nakakaapekto na sa malaking bilang ng mga tao. Kagaya ng unemployment sa ating bansa. . Mayroon tayong tinatawag na private space, kadalasan, ang nakikita lamang ng isang indibidwal ay ang mga problema na nakapaloob sa kanyang private space, ito ay karaniwang umiikot lamang sa kanyang sarili, malapit na pamilya, at pang araw araw na pamumuhay. Sa kabila ng lahat, ang private space ng isang indibidwal at ang trouble na kanyang kinahaharap ay konektado sa issue ng lipunang kanyang ginagalawan. Makikita sa maraming aspeto ang manipestasyon ng dalawang nabanggit. Ang trouble ay ating maikokonekta sa issue sa pamamagitan ng pagtingin dito sa mas malawak na paraan. Isang halimbawa ng koneksyon ng trouble at issue ay makikita natin sa mga crew ng fast food chains , mga nagtatrabaho sa construction, pati na rin mga salesperson sa isang mall. Magkakaiba ang mga trabahong ito ngunit lahat sila ay nasasailalim sa iisang problema, ang kontraktwalisasyon. Maaring iisipin ng isang indibidwal na nasa ilalim nito na pagkakamali nya ang mapabilang dito, na sarili nyang kakulangan ang naghatid sa kanya sa pagiging construction worker o isang crew, na dumadanas ng mababang pasweldo at end of contract pagkatapos ng anim na buwan. Ngunit ito ay hindi lubusang totoo sa kadahilanang ang maraming dahilan kung bakit sila napasok dito.Isa na dito ang pamamayagpag ng kapitalismo na nagpapahirap sa mga manggagawa. Ang trouble ng isang tao na nasasailalim sa kontraktwalisasyon ay ang pagkakaroon ng end of contract sa tuwing sasapit ang ika-anim na buwan ng kanyang pagtatrabaho at ang mababang pasahod o tinatawag na minimum wage. Ang issue naman dito ay maraming tao ang nakakaranas nito, mapa graduate man sa kolehiyo o mga taong di nakapagaral. Masakit isipin na kahit ano pang gawin mo ay wala kang pagpipilian kundi magpasakop sa ganitong sistema.

Masakit isipin na ang ating pwesto sa lipunan ay para bang nakaassign na at ang tanging magagawa na lamang natin ay sumunod sa sistemang matagal nang tumatakbo sa ating lipunan. Ngunit sa pagkakaroon ng kaalaman sa kung papaano tumatakbo ang sistema sa ating lipunan, pagkakaroon ng ideya kung nasaan tayo nakapwesto sa lipunan, at ang ating mga kakayanan o potensyal at nagkakaroon tayo ng kakayahang magkaroon ng pagpipilian at mamili kung saan tayo tutungo. Ang akdang The Promise ay naglalahad din ng sa mga paraan kung pano tayo magkakaroon ng quality of mind na magbibigay sa atin ng social imagination. Ang social imagination ang kakayahan ng isang inidibidwal na tukuyin ang kanyang kinaroroonan sa lipunan at iassess ang kanyang kalagayan. Malaking tulong ito sa mga tao upang, kahit papaano ay mapaganda ang kanyang pamumuhay at hindi maging isang mangmang sa lipunan